Saturday, June 20, 2015

Saan Nakukuha Hepatitis?

Kung positibo ka sa hepatitis A man o B o kaya Z, malamang tinatanong mo ang sarili kung saan mo nakuha ang sakit o kung saan ka nahawaan. May posibilidad kasi na bata ka pa lang ay nasa dugo mo na ang sakit at huli na nang nagsilabasan ang mga sintomas na sinasabi ng mga doktor. Posibleng nasa dugo nang mga magulang natin ang Hepatitis virus at naisalin ito nang tayo ay ipinagbubuntis pa lamang ng ating ina. Pero kung tingin mo ay malusog ka naman bago ka mahawaan o madapuan ng sakit, isipin mong mabuti ang mga pinag-gagawa mo sa buhay para malaman kung saan mo napulot ang nasabing sakit.

Mga bagay at gawain na posibleng makahawa ng Hepa:


1. Pagkain sa Carenderia o Canteen – Alam naman natin na normal sa atin ang kumain araw-araw, pero marapat lamang malaman natin ang kalinisan ng mga pinagkakainan natin. Maraming kumakain sa mga carenderia o eatery at iba’t-ibang tao ang sumusubo sa mga kutsara’t tinidor na paulit-ulit lang ginagamit matapos hugasan, maging ang mga basong ginagamit pang-inom ay kung sino-sinong tao lang ang humahalik at malamang isa sa mga taong ‘yon ay may Hepatitis at posibleng makahawa lalo na kapag hindi nahugasang maigi ang mga ginamit niyang pinagkainan. Ang mahirap pa hindi madaling malaman kung may sakit ang isang taong kumakain sa carenderia dahil may iba’t-ibang katangian ang hepatitis, maaring normal lang siya sa paningin natin at mukhang malusog dahil hindi naninilaw ang mga mata. Isa pang dahilan kung bakit nakakahawa ang carenderia ay ang mga pagkaing naka-helera sa canteen nila. Maaring kulang sa luto o kaya naman ay napanis na ang tindang ulam, baka hindi ka lang magka-hepa, magkaka-cancer ka pa sa colon sa kakakain ng hilaw na pagkain. Laging tingnan ang mga ulam na naka-display sa istante nila at kapag ito’y bukas sa lahat ng taong umu-order habang nagsasalita, malamang natalsikan na ng laway ang mga tindang ulam at baka ang may-ari ng laway na ‘yon ay may Hepa o kaya AIDS.
Sinasabi ng mga doktor na hindi raw nakakahawa ang hepa sa pamamagitan ng mga nabanggit, pero isipin mo naman na negosyo nila ang manggamot kaya malamang gugustuhin nilang magkahawaan tayo para marami silang kitain pag tayo naman ang nagkasakit. Hindi naman masama kumain sa Carenderia basta samahan lang ng konteng ingat ang paglamon, magdala nalang ng sariling kutsara at tinidor para mas ligtas.

2. Paggamit ng Shabu (DRUGS) – Kung adik ka tapos bigla nalang bumigay ang ‘yong atay at nagkulay dilaw na ang balat, wag ka ng magtaka. Ang shabu ay isang mapanirang elemento lalo na sa ating katawan. Hindi lang utak ang tinitira ng shabu kapag ito ay isinasaksak natin sa ating katawan lalo na sa pamamagitan ng injections o paggamit ng karayom. Kapag ipinapadaan mo sa  ugat ang Bato, humahalo ito sa iyong dugo at ang dugo naman ay dumadaan sa atay para malinis bago umikot ulit sa puso, baga at ibang parte pa ng ating internal organs. Dahil ang atay ang sumasagap sa inihalo mong epektos sa iyong dugo, ito rin ang kauna-unahang bibigay sa tapang ng gamot na iyong ginagamit. Baka hindi ka lang magka-hepa magkaka-liver cancer ka pa. Saka yung karayom na ginagamit mo baka may kalawang na at kung sino-sino pang ka pot-session mo ang nakagamit kaya malamang nahawaan ka na nila ng sakit gaya ng panghahawa nila sa’yo para gumamit ng shabu.

3. Pakikipagtalik (SEX) – Normal lang na magkaroon tayo ng sex-life, boring naman kasi ang buhay kung walang ganon. Pero dapat maging maingat tayo sa mga taong sisipingan natin lalong-lalo na kapag wala tayong pambili ng Condom panagang sa nakakahawang sakit. Nahahawaan ang mga taong nakikipagtalik dahil sa hindi safe na paraan lalo na pag mahilig sa oral-sex. Maaring makuha ang virus sa likido ng ari o sa laway ng kapares na hindi natin alam na carrier pala ng Hepatitis. Iwasan ding gamitin ang babae kapag may regla at wag na wag dilaan ang red tide dahil tiyak ng sasaniban ka ng mapanirang karamdaman.

4. Sobrang alak – Self-explanatory.

5. Maling pag-inom ng mga Gamot – May lagnat ka tapos uminom ka ng diatabs e talagang masisira ang atay mo ng hindi mo man lang namamalayan. Ang maling pag-inom ng gamot ay gaya ng maling pagkarga mo ng gasolina sa sasakyang krudo ang kailangan, tiyak masisira ang makina. Hindi naman masyadong talamak ang ganitong paraan para mahawaan o makakuha ka ng Hepa, pero sa kakainom mo ng gamot ay unti-unting nasisira ang mga cells ng atay mo lalo na kapag sobrang lakas ng dosage ng mga gamot na iniinom mo.


Para sa mga kapwa ko may hepatitis, tingin ko nakuha ko na ang sakit na ‘to mula sa nanay ko dahil sabi niya’y dilaw din daw ang mga mata ng lolo ko noong ito’y nabubuhay pa, inheritance kung baga. Hindi na rin ako masyadong lumaki’t tumangkad at payat na mula nang bata pa, dahil ito sa sakit ko. Hindi ko naman masisisi si inay dahil hindi rin naman niya ginustong hawaan ako ng ganitong karamdaman. Sa ngayon, konteng iwas nalang sa mga bagay na maaring makalala sa karamdaman ko, hindi na ako gaanong kumakain sa mga eateries o carenderias lalo na kapag walang sariling dalang kutsara. Palagi talaga akong nagdadala ng kutsara sa tuwing nagbabaon ako, hirap na baka hindi ako pagamitin ng kutsara’t tinidor nang mga may-ari ng carenderia dahil baka matakot silang ako’y makahawa. Makikitid at napaka-mapanghusga pa naman ng mga Pilipino. 

Tuesday, June 16, 2015

Mapanghusgang Lipunan

“Pre bakit naninilaw ang mga mata mo? Siguro may sakit ka?” Ito ang tanong na madalas kong marinig mula sa mga taong nakakasalubong ko at nakaka-usap. Hindi ko na mabilang kung ilang tao na ang nagtanong sa akin ng nakaka-iritang tanong na yan. Sa tuwing may nakiki-tsismis tungkol sa kulay ng mata ko, hindi na lang ako kumikibo at tinatago na lang ang kulo ng aking dugo. Parang gusto kong pulusupuhin ang mga taong nagtatanong sa akin. Ano ba mapapala ko pag sinagot kita? Hindi naman kita kilala at bumibili lang ako ng tinda mong isda, kailangan ko pa bang ipaliwanag kung bakit naninilaw ang aking mga mata? At sino ka naman para pag-ukulan ko ng panahon? Yan ang mga tanong na namumuo sa isip ko sa tuwing may nang-aabala para lang tanungin kung bakit dilaw ang mga mata ko. Ang mas masakit pa ay may kasama pang panlalait ang tanong nila. “At parang nangangayayat ka? Anong sakit mo?” nakaka-bwesit talaga ang mga taong nabuhay para lang maki-tsismis sa kalagayan mo, parang nakakita sila ng di taga planetang tao sa tuwing nahuhuli nila ang kulay ng yong mata. Salamat na lamang sa shades at tinatabunan nito ang di kanais-nais na kulay ng aking pagkatao. Dahil sa kanila kaya maging ako ay kinakahiya na rin ang sarili ko. Ayaw na ayaw ko ng lumabas kapag maliwanag para makaiwas sa hindi kaaya-ayang tanong, ayaw ko kasing dumating ang panahon na makagawa ako ng hindi maganda dahil lang sa pangungulit ng ibang tao. 




Kung wala kang Hepatitis, hindi mo maiintindihan ang mga pinagsasabi ko. Nakakainis lang kasing isipin na ganito ang kalagayan ko, masakit dahil may sakit akong di nagagamot ta nakakapangliit sa tuwing pandidilatan ka nang mga taong normal. Bakit yung mga pilay walang nagtatanong kung bakit sila pilay? Bakit yung mga may ubo walang nagtatanong kung may TB ba sila? Pero bakit kapag dilaw ang mata ang daming nagtataka at parang ikakamatay nila kung di nila malaman kung ano ang dahilan ng paninilaw? Syet namang buhay o. 

MGA BAWAL SA TAONG MAY HEPATITIS

Kung may hepatitis-b ka chronic man o acute lang, kailangan parin ang matinding pangangalaga sa sarili para maiwasan ang iba pang kumplikasyon at paglala ng kalagayan ng atay. Ang sakit ko ay Chronic Hepatitis-B at masakit mang isiping hindi ko na matatakasan ang katotohanang taglay nito sa aking buhay. Ayon sa doctor na tumingin sa akin nang ako’y nagpapa-checkup pa lamang, ang pag-inom daw ng alak ang pinakabawal dahil  makaka-apekto ito sa atay. Pero hindi naman sinabi ng doctor kung anu-ano ang mga bawal pang pagkain at inumin maliban sa alak. Ngunit ayon sa mga nakakatandang may kaalaman sa makalumang paniniwala, may mga pagkaing bawal daw sa may hepatitis. Nakalista lahat sa baba.

Wag kumain ng mga maaasim na prutas gaya ng hilaw na Mangga, Pomelo at bayabas lalo na kapag nilagyan ng maasim na suka. Naluluto kasi ng suka ang ating atay, gaya ng pagluto nito sa hilaw na karne kapag ibinabad sa suka. Subalit ayon sa ilang nakausap kong may hepa-b din, mainam daw kumain ng pinya lalo na yung katamtaman ang pagkahinog. Kapag hepa-b positive ka at kumain ka ng pinya, lumalabas ang mga pawis at dumi sa ating katawan sa pamamagitan ng pagpapawis. Ang juice ng sariwang pinya ay naglilinis din sa atay at ibang laman loob sa ating katawan. Hindi ako doctor kaya sorry sa hindi gaanong maliwanag na paliwanag.

Wag uminom ng mga energy drinks gaya ng cobra, lipovitan, barako, stings at kung anu-ano pang pampalakas ng katawan. Ang mga ito kasi ay may panandaliang epekto lamang sa ating katawan pero di natin alam ang dinudulot nito sa ating atay na siyang sumasalang sa mga chemical na nakapaloob sa mga iniinom nating pampalamig at pampalakas. Mas mainam na magtubig na lamang para tiyak na walang nakakasirang chemical ang daraan sa ating atay na siyang tumatanggap sa lahat ng ating iniinom.

Wag na wag magpuyat. Namamatay ang mga cells natin sa katawan sa tuwing nagpupuyat tayo, kaya kung may hepatitis ka mainam ang pagtulog ng maaga para maiwasang mamatay ang mga cells na siyang lumalaban sa hepa virus na dumadaloy sa ating dugo. Tandaan natin na kapag hepa-b na ang sakit ay nasa dugo na ang virus nito at habang buhay ng iikot sa ating mga ugat at dadaan sa atay kaya kailangan magkaroon tayo ng malakas na resistensya para maiwasan ang cirrhosis o cancer.

Iwasang kumain ng mga street foods lalo na yung mga laman loob at balat ng manok. Bukod sa hindi tiyak ang kalinisan ng mga ito sa pagluluto, nagtataglay rin ang mga ito ng bad cholesterol na hindi maganda sa kalusugan. Ang mga bad cholesterol ay namamahay sa loob ng ating ugat, puso at lalo na sa atay kaya umiwas sa mga pagkaing ito. Iwasan din ang pagkain ng mga pagkaing “half-cooked” o yung mga niluto lamang sa pamamagitan ng suka. Hindi maganda sa atay ang mga di nalutong maiging pagkain at nakakatulong sa pagsira ng cells ng ating atay.

Wag uminom ng mga gamot kahit vitamins kung hindi naman kinakailangan. Pag lumunok ka ng tablitas, atay mo ang sasala sa taglay nitong chemicals bago tuluyang dumaloy sa iyong mga ugat. Kapag may mini-maintain kang gamot, tinutulungan mo na rin ang atay mong masira.

Wag uminom ng kahit anong herbal medicine, over the counter man o mga halamang gamot. Hindi naman ako doctor para magsabi nito pero hanggang ngayon ay wala paring nadiskubreng gamot para sa sakit na hepatitis kaya umiwas sa mga hindi siguradong gamot dahil baka makalala lang ito sa kalagayan ng iyong liver.


Maniwala ka man o hindi sa mga nakasaad sa taas, nasa iyo na yon. Kahit ako wala ng limit sa kung ano mang bawal sa atay o sa kalusugan ng kagaya kong may Hepa-b. Sa katunayan malakas na akong uminom at manigarilyo, kumakain din ako ng mga street foods at kilawin dahil masarap naman. Wala na sa isip ko ang alagaan ang sarili ko dahil iniisip kong normal ako at walang dinadalang sakit. Kung ikakamatay ko man ng maaga ang pagsuway sa mga bawal, ikakatuwa ko yon, dahil gusto ko ng mapadali ang buhay ko, wala ng hinaharap ang kagaya kong may hepa-b at walang pag-asang makakuha ng matinong trabaho at habang buhay ka pang huhusgahan ng mga taong hindi alam ang tunay na nararamdaman ng mga taong may sakit na Hepa. Kung hindi lang siguro kasalanan ang pagkitil sa sariling buhay, ginawa ko na noong nalaman kong may hepatitis-b ako. 

LIFE DESTRUCTIVE ILLNESS

Naranasan mo na bang mabagsakan ng sarili mong mundo? Yung tipong nagpapakatatag ka para maabot ang mga pangarap sa buhay pero sa isang iglap ay maglalahong parang bula at mapapalitan ng walang hanggang pagka-dismaya at at paninisi sa mapagbirong kapalaran? Dati akong masigasig na tao noon, nagsusumikap paaralin ang sarili sa kolehiyo para kako makatulong sa mga kapatid ko pagdating ng araw na makapagtapos. Trabaho’t aral lang ang inaatupag ko noon, dahil pursigido akong makatapos sa kursong Education at sa katunayan nasa 3rd year college na ako at dalawang taon na lang ay magkaka-diploma na ako. Limang taon kasi ang weekend class ng kurso ko pero ayos lang sa’kin basta makapag-aral lang. Hanggang sa isang araw ay napuna ng amo ko ang paninilaw ng mga mata ko at maging ang balat, nagduda siyang baka may nararamdaman akong sakit sa loob ng katawan na hindi ko namamalayan. Napansin din niya ang sobrang pangangayayat ko kaya di siya nagdalawang isip na itakbo ako sa isang doctor at sasagutin daw niya ang lahat ng gastusin para malaman ang aking karamdaman. Sa katunayan ay dati ng nagdilaw ang mga mata at kutis ko noong nasa high school pa ako pero makalipas ang ilang buwan ay kusa rin namang nawala kaya akala ko ay ayos lang. Sa sobrang abala ko sa mga gawain at sa trabaho ay di ko man lang napansin na bumalik na naman yung dating karamdaman na hindi ko alam kong ano ang tawag. Sinamahan niya ako sa doctor, at sa unang pagkakataon ay maipapatingin ko ang sarili dahil sobrang abala at gastos lang para sa akin ang pagpapatingin sa mga doctor. Akala ko ay isang simpleng check-up lang ang gagawin niya at pagkatapos ay reresitahan lang ako ng gamot para sa paninilaw, pero akala ko lang pala. Kinailangan kong magpakuha ng dugo para sa mas malalim na pagsusuri, at dahil sa libre naman ay wala akong angal kahit pa takot ako sa mga injections. Nagbiro pa ang nurse na kumuha ng dugo ko at nagtanong kung saan ko raw nilagay ang mga dugo ko dahil ang bagal mapuno ng isang boteng maliit na sinasalinan niya ng dugo.  Matapos akong pakunan ng dugo ay pinabalik ako ng doctor kinabukasan para sa mga resulta ng tests na gagawin nila, pinagbawalan din akong kumain mula hapon hanggang sa agahan kinabukasan para daw sa isang ‘Ultrasound’. Di ko lubos maisip na sa buong buhay ko ay dadaan ako sa isang Ultrasound, pero tumuloy parin ako para na rin malaman kung ano ba talaga ang sanhi nitong nakaka-inis na paninilaw ng mata ko.

Nang makauwi ako galing sa laboratory, agad akong nagsaliksik tungkol sa paninilaw ng mga mata at balat, ang daming mga impormasyong nagkalat sa internet at di ko alam kung may katotohanan ba ang lahat ng yon. Pero sa mga nabasa ko ay nakaramdam na ako ng konteng takot na baka nga may sakit akong hepa dahil taglay ko ang mga simtomas ng sakit kaya nagdasal na lang ako na wag naman sanang ipahintulot ng panginoon. Bumalik ako sa laboratory kinabukasan para sa Ultrasound at para makuha ang mga resulta at maipaliwag na sa akin ng doctor. Nang hawak ko na ang mga tests-results, humarap ulit ako sa doctor na tumingin sa akin. Walang pagdadalawang isip niyang sinabi na hepatitis-B positive ang sakit ko batay sa mga resulta ng laboratory tests. Nanlumo ako agad habang patuloy siyang nagsasalita tungkol sa kung anu-ano, wala na akong ganang makinig sa kanya nang sandaling ‘yon dahil sa sobrang pagka-dismaya. Hindi biro ang Hepatitis-B, alam kong daig mo ko pa ang lumpo kapag may Hepa, dahil walang sino mang tatanggap sa akin sa trabaho at ang mas masakit ay hindi ito nagagamot at walang gamot na makakapagpagaling sa ganitong sakit. Pigil na pigil na ang mga luha ko nang sandaling ‘yon habang nasa harap ako ng doctor, ayaw kong makita niyang iiyak ako dahil maging siya ay may pagka-dismaya at parang malungkot din habang nagsasalita. Parang alam niya ang sakit na nararamdaman ko. Pinilit niyang magpaliwanag sa harap ko at nagpayo na kailangan ko pa raw pumunta sa isa na namang doctor na eksperto sa pagtingin sa atay at sa mga may hepa para malaman ko kung gaano na kalala ang kalagayang ng aking atay at para na rin magabayan ako sa tamang pag-aalaga nito. Nagkunwari akong nakikinig sa kanya pero ang totoo ay wala na akong balak pang pumunta pa sa ibang doctor at sapat na sa akin na malamang may hepa-b ako, at isa ng walang kwentang nilalang.

Nabulabog ang pamilyang tinutuluyan ko nang sabihin ko sa kanila ang aking kapansanan, maging sila ay hindi makapaniwalang nagkaroon ako ng ganitong sakit dahil bihirang-bihira lang akong uminom at walang bisyo. Malungkot ko ring ibinalita sa amo ko ang kinalabasan ng tests, at maging siya ay nalungkot para sa akin. Dahil nakapag-enroll ako sa college isang linggo bago pa magpasukan, agad akong nag-withdraw at di na nagpatuloy pa sa pag-aaral. Naisip kong kahit na makatapos ako sa kursong pinagpupursigihan ko ay wala rin akong makikitang trabaho dahil dito sa Pilipinas ay talamak ang discriminasyon at panghuhusga sa mga kagaya kong may hepa. Masakit ma’y buong-buo kong tinanggap ang biro ng kapalaran kahit hindi ko alam kung saan ko nakuha ang ganitong sakit. Nawalan ako ng pag-asa, nawalan na ng direksyon ang buhay ko mula ng malaman kong may hepa ako. Nang mamatay ang amo kong lalaki ay nawalan narin ako ng trabaho, kaya sinubukan ko paring mag-apply sa mga kumpanya sa pagbabaka-sakaling makakuha ulit ng matinong trabaho. Pero wala e, kahit may kapit ako sa loob ay di ako tinatanggap, unang tingin pa lang nila sa mga mata ko at sa kulay ng kutis ko, alam na nilang may sakit ako. Hindi ko na mabilang ang mga pinag-aplayan kong trabaho pero walang ni-isa man ang tumanggap sa akin, parang automatic reject agad pag may hepa, parang di ka tao at di mo kayang gawin ang ipapagawa nila at parang mahahawaan mo rin sila kapag tinanggap ka nila. Sa dami nang mga rejections na tinanggap ko mula sa mga inaplayan kong mga kumpanya, parang maihahalintulad ko na rin ang sarili ko sa isang basura, walang silbi, walang puwang at walang kwenta.


Hanggang ngayon wala akong trabaho, pa extra-extra lang sa pagba-blog kapag ginaganahang magsulat, pero hindi naman talaga ito ang pinapangarap ko sa buhay. Yung dating hindi umiinom at naninigarilyong ako ay wala na dahil halos gabi-gabi na akong tumutuma ng alak, at kadalasan hard. Dumating na rin yong punto maging ang Diyos ay sinisi ko na, di ko naman hiningi ang ganitong karamdaman, parang binaliktad lang niya ang mga simpleng panalangin ko noon. Kahit konteng gabay at ilayo lang niya ako at ang pamilya ko sa kahit anong sakuna, yon lang ang panalangin ko sa kanya pero kabaliktaran ang natanggap ko. Uo wala akong karapatang sisihin siya, pero di ba ang lupit? Bakit ako pa na siyang inaasahan ng mga magulang kong tutulong sa mga kapatid ko? Bakit ako na siyang may pananaw sa buhay at maraming pangarap? Siguro sasabihin mong ibinigay niya ang sakit na ‘to sa akin para mas lalo pa akong manalig sa kanya, kalokohan! Ang lupit naman niya para ganituhin ako, sana kinuha na lang niya ako para di na ako magdusa sa bawat gabing napapaluha sa kakaisip sa di natakasang kapalaran. Sana kinuha na lang niya ako, kaysa naman pahirapan pa niya ako ng ganito.  Walang silbi at nagiging pabigat na sa pamilya dahil sa walang mahanap na pera. Ngayon tinutulungan ko lang ang sarili kong mapadali ang paghihirap, kahit panay ang payo ng mga nakaka-alam tungkol sa mga bawal, yon ang kinakain at iniinom ko. 
NAKAKAHAWA ANG HEPA

Hello, nabasa ko lang ang blog na ‘to ng di sinasadya. Nang matapos kong basahin ay nagkaroon ako ng lakas ng loob na magsulat na rin ng kwento tungkol sa hirap na dulot ng sakit ko. Hepatitis B positive ako at masayang-masaya ako nang malamang di lang pala ako ang taong nagdurusa sa ganitong karamdaman. Ang totoo hindi ko talaga alam kong saan ako nahawa ng hepa, pero kung paano o kung saan man ay ayaw ko ng malaman. Ang masakit lang, nalaman ko lang na may Hepa ako nang isilang ko ang unang anak namin ni mister at ang napakasait maging ang anak ko ay nahawaan ng malupit na sakit. Kung nalaman ko lang sana ng maaga na may ganito pala akong karamdaman, hindi na lang sana ako nag-asawa para hindi ko na nasalinan ang kawawa kong anak. Hindi man lang niya natakasan ang hindi ginustong sakit. Ngayon ay high-school na ang anaka ko, pero hindi pa rin niya alam na may hepa din siya dahil ayaw naming ipaalam ng mister ko sa kadahilanang ayaw naming mawalan siya ng pag-asa at gana sa buhay. Pilit naming tinatago sa kanya ang katutuhan habang pinapainom o kaya’y tinuturukan siya ng gamot na pangontra sa virus na dala ng Hepa. Pero kahit na lingid sa kaalaman ng anak ko ang karamdaman niya, damang-dama ko naman ang sakit na taglay niya lalo na kapag nakikita ko siyang hinihingal o kaya’y nawawalan ng lakas o kaya kapag naninilaw ang mga mata. Parang akong tinutusok ng karayom habang pilit na isinasaksak sa isipan niyang normal lang ang mga karamdamang dinadaing niya. Panay ang dasal ko na sana ako na lang ang dinapuan ng sakit, pero may mga dasal talagang hindi naririnig. More powers nalang po sa blog na’to.


---Maylen---Hepa Carrier
WALANG PAG-ASA

Wag ka ng maniwala sa mga bawal-bawal na yan. May Hepatitis A o B ka at walang makaka-gamot sa’yo habang unti-unting sinisira ng pesteng sakit ang katawan mo. Kahit anong alaga pa ang gawin mo, kahit anong ingat at gamot pa ang isaksak mo sa baga mo, wala ring mangyayari dahil lahat walang silbi kabilang ka na. Ano pa nga ba ang silbi nang mga taong kagaya mo na may ganyang sakit? Hindi ka makakahanap ng matinong trabaho, trabaho na aayon sa mga pinangarap o pinaghirapan mo habang nag-aaral ka. Malalaman mo na lang na nasisira na lahat ng mga pangarap mo dahil sa sakit dahil walang puwang ang mga kagaya mo sa mundong ito. Gusto mong makatanggap ng mga masasakit na panghuhusga? Sige subukan mong mag-apply sa mga malalaking kumpanya at doon pa lang ay sasaksakin ka na ng mga mapaghusgang professional. Maniwala ka, nang bago ko pa lang malaman ang sakit kong Hepa-B, pinilit kong mabuhay ng normal, yung tipong wala akong sakit at kayang makipagsabayan sa takbo ng pahanon. Pero wala eh, sadyang malupit ang tadhana dahil sa nakaukit na kapalaran sa aking dugo hanggang sa unti-unti na ring nawala ang mga pangarap ko’t natitirang konteng pag-asa. Naramdaman ko na lang na para akong nakabitin sa bangin at nasa bingit ng pagkahulog habang sigaw nang  sigaw ng tulong pero walang ni isa ang nakakarinig. Nakalimutan ko na ang mga bagay na dati kong ginagawa, nahihiya na ako sa mga kaibigan ko at hindi na ako lumalabas na gaya nang dati. Walang saya sa buhay ko kahit may pagdiriwang, maaring ako’y napapangiti subalit sa kaloob-looban ko’y para akong tinutusok ng matalim na bagay at sobrang sakit. Madalas ko ng hanapin ang alak na naging bahagi na ng bawat gabi ko, parang normal na sa akin ang matulog ng lasing at normal na sa aking panalangin na sana kunin na ako ng maykapal at di na magtagal.

----Jay-----Hepatitis-B Positive.

DISKRIMINASYON

Nag-apply ako sa isang fast-food chain kanina kasabay ang isa kong barkada. Sabi kasi niya maraming hiring at pwede sa mga gaya naming gustong maging working students dahil pwede kaming mamili ng oras kung kelan namin gustong magtrabaho. Ayos, magandang opportunidad para sa mga kagaya kong hirap na hirap sa pag-aaral ng kolehiyo, gustong-gusto ko kasing makahanap ng part-time job para makatulong man lang sa bayarin ng matrikula ko. Masaya pa kaming dalawa ng kaibigan ko habang nag-aantay sa manager na mag-iinterview sa amin kasama nang iba pang mga nag-aaply. Sa kalaunan ay na-interview ang kaibigan ko at sumunod naman ako. Heto ang mga ilang tanong na natatandaan ko sa kanyang pagtatanong.

MANAGER: Ah, so gusto mong maging working student? Teka lang muna, parang naninilaw ang mata mo?

AKO: Wala naman po sigurong kinalaman yan sa gagawin kong trabaho dito mam incase matanggap ako.

MANAGER: Anong wala? Di mo ba alam na senyalis yan na baka may sakit kang dinadala?

AKO: Kung meron man akong sakit mam, hindi naman po ako nakakahawa dahil magtatrabaho lang naman ako.

MANAGER: I think there’s something wrong in your liver, either hepatitis or whatsoever. You better go to a doctor to have check-up. Sorry but we are not going to hire you due to the color of your eyes.


Nang banggitin niya ang pagtatakwil sa akin, agad na akong tumayo at di na nagsalita pa kahit ano. Hindi na rin ako nag-abalang magpa-alam dahil walang kwentang tao naman ang kinausap ko. Hindi ako galit sa inaplayan ko, galit ako sa sistema. Biruin mo, nakita lang nilang dilaw ang mata ko, hinusgahan na nila ako na parang pumatay ng tao sa harapan nila. Itinaboy na nila agad ako without asking kung ano ang kaya kong gawin, kung ano ang ginagawa ko sa buhay para maitaguyod ang sarili sa hirap sa matinong paraan. Hindi man lang tiningnan kong gaano ko pinaghirapan ang mga gradong nakalagay sa transcript ko dahil lang sa nakita nilang dilaw ang mga mata ko. Masakit ang ganitong klaseng panghuhusga, para bang magdadala ka ng matinding salot sa kumpanya nila kapag tinanggap ka kaya kailangang palayasin ka bago pa makahawa at makapaminsala sa kung sinong parokyano ng negosyo nila. Gusto ko lang naman magtrabaho, kahit ano basta kaya lang ng katawan ko tatanggapin ko kahit pa pahugasin nila ng plato o kaya anidoro o kaya gawing taga-dila nang mga pinagkainan ng mga customers gagawin ko para lang kumita ng pera. Yun lang ang ipinunta ko sa kompanya nila, pero di ko akalaing pagmamalupitan nila ako ng husto sa pamamagitan ng matinding panghuhusga. Sana umunlad pa kayo. Based on my true experience.                                      

---Kyle
Hepa B Acute Positive---